Maikling Sanaysay
MAY
KALAYAAN NGA BA?
Libong taon na ang lumipas,
nakintal sa isipan ng lahing kayumanggi ang mga hagupit at matinding dagok dala
ng mga mananakop sa lahing kayumanggi. Naglaho na ang mga kanyon, at ang mga
gatilyo ng baril na pumatay sa daang libong Filipino na nakipaglaban sa
kalayaan ng bayan ay tuluyan ng nagwakas na kalabitin at ngayon ay isa na
lamang itong ala-ala ng panahong lumipas.
Nakamit na ang minimithing
kasarinlan ng bansang inanod ng agos ang mga adhikain at simulain na siya
sanang uugit sa mga kabataan tungo sa matagumpay na hinaharap. At muli itong inumpisahang
balangkasin ng matino, maipagmamalaki at higit sa lahat ay may angking tapang
na maipatupad ito ng mga pinunong nilayon ay pangkalahatang tagumpay. Subalit,
tila yata hindi pa ganap ang sinasabing kalayaan. Ano nga ba ang kalayaan?
Kalayaan bang matatawag na magkaroon ng sariling batas na ipinatutupad?
Kalayaan bang mamuhay sa bansa kung naglipana sa bawat sulok nito ang mga taong
nagpapahirap sa sambayanang Filipino?
Ang kalayaang inaasam ay tila isang metaporika lamang ng kaganapang
naroon na at nakamit na ang kalayaan.
Nilamon ng progresibong
kabishanan ang noo’y payak na pamumuhay. Ang mga paragos at kariton na batak ng
mga kalabaw ay madalang ng nasisilayan. Ang mga karitela na hila ng kabayo ay
mahirap mo ng masumpungan. Ang noo’y tahimik na kapaligiran ay inalingawngawan
ng mga busina ng makabagong sasakyang naggaling sa mga bansang dumaluhong at
nagwasak sa angking kariktan ng luntiang kapaligiran na tila baga winasak ng
isang malakas na delubyo.
Ang silangan at ang kanluran na
hinahasikan ng gintong palay ay untiunting ninakaw ng progresibong pagsulong sa
inaakalang ito ang mabisang paraan upang masawata ang kahirapang tinatagalay.
Subalit lingid sa matalinong kapasyahan ang mga ito ay patibong ng makabagong
kabihasnan na kitilin ang kagandahan, payak at matahimik na pamumuhay.
Madalang na ang araro, at isa
na lamang itong palamuti sa taklab ng magsasakang bumungkal ng lupang tinalo na
ang lakas ng panahong lumipas. Bumulaga sa ating mga mata ang mga nagtataasan
at naggagandahang gusali na nakatanim kapalit ang luntiang palay na nagbibigay
ng gintong butil na isang biyayang matatawag.
Mayroon pa ba tayong ninanais?
Hindi pa ba sapat ang tagumpay na ating nakamit? Hindi pa ba sapat ang
kaalamang nakuha natin sa mga dayuhang pilit nating yinakap ang kanilang
kakanyahan tungo sa pagpapaunlad ng kinabukasan ng bawat mamamayan? Alin pa at
ano pa ang kulang sa atin? Bakit walang pagsulong? Bakit nananatiling maraming
naghihirap kahit ang kaunlaran ng bansa ay ating nang namamalas? Bakit patuloy
ang kawalang katarungan lalo’t higit sa mga taong mahihirap?
Ako’y nagtataka,
nagugulumihanan sa kasalukuyang takbo ng politika sa bayan. Ang wangis ng isang
taong maprensipyo’y isang dalagang may angking alindog na niluray at
pinagsamantalahan ang angkin nitong yumi at kaandahan, di sin sanay ang patas
at makatuwirang laban ang ipairal, ipakita ang maginoong laban, hindi sa buhong
at may ganid na pagnanasa sa kaban ng bayan na pinagyaman ng mga taong ang
hangarin ay para sa pangkalahatan, hindi sa iisang tao lamang.
Lawitan mo ng pag-asa na mabago
ang kalakaran, gamitin ng wasto ang aking talino mo’t isipan upang
mapagtagumpayan ang sinusuong na pakikiba sa mga taong dala ay kapahamakan.
Hasikan mo ng pataba ang mga punlang isinurak sa matabang lupa, patabang
manggagaling sa utak ng kamalayan at masaganang kaalamang natutunan sa mga
naunang taong nakibaka na ipaglaban ang karapatang kalayaang mamuhay. Ang
mumuhay ng patas, tahimik at malayang naisasakatuparan ang minimithing pangarap
sa buhay ng may katiwasayan.
Hindi pa huli kaibigan, may
panahon ka pang mag-isip ng tama. May panahon pa! May panahon pa… kaibigan!
No comments:
Post a Comment