Thursday, July 25, 2013

ANG PAGMAMAHAL NG ISANG DAYUHAN SA BANSANG PILIPINAS . Ni: Eisa Batallones





ANG PAGMAMAHAL 
NG ISANG DAYUHAN  
SA BANSANG PILIPINAS 
Sanaysay ni: Eisa Batallones 
March 5, 2013


Tanda ko pa ang ang nabibili ng singko sentimo noong ako ay bata pa, isang perang Caramel kendi, isang perang suka, isang perang patis, isang perang asin at isang perang bawang, sa madaling salita, kung may isang pera ka ay mabibili mo na ang kulang na sangkap na nais mo sa pagluluto ng isang masarap na ulam para sa tanghalian o hapunan . Ganito ko naranasan ang buhay Pinoy noong ako ay musmos pa lamng. Huwag na nating tanungin pa kung ilang taon na ba ako. Marahil ang ilan sa inyo ay tatay o lolo na ako.



Ang katotohanan, minsan lamang nalapatan ng isang daang piso ang aking mga palad at laking tuwa ko dahil mahaba habang araw na gagastusin ko ito sa aking pag-aaral. Iba noon, malaki ang kaibahan ngayon!



Marami sa atin ang labis na nababahala sa talamak na KORAPSYON sa ating bansa. Ang mahirap ay lalong naghihirap at ang mga politiko ang siyang namamasasa dahil sila ang may kapangyarihan na kontrolin ang yaman ng bayan.



Ikaw, naniniwala ka ba na ang KORAPSYON ang pangunahing sanhi ng paglubog ng ekonomiya ng Pilipinas?



Ako, hindi!



Mas mabigat sa timbangan ng aking isipan ang kakulangan natin sa pagmamahal sa ating bansa. Oo, tama ang iyong nabasa, kakulang sa Pagmamahal!



Inilahad ni Jaeyoun Kim, sa kaniyang sanaysay sa wikang Ingles, isang estudyanteng Koreano, na may pamagat na My Short Essay About The Philippines.



“Pagkatapos ng Korean War, alam n'yo ba na ang South Korea ay isa sa pinakaabang bansa sa daigdig? Nagsimula ito sa wala dahil ang buong bansa ay winasak ng digmaan. Nawasak maski ang mga likas na yaman. 
Madalas noong maging paksa ng mga Koreano ang Pilipinas dahil angat sa pamumuhay ang mga mamamayan nito. Inggit na inggit noon ang mga Koreano sa mga Pilipino. Pinakapapangarap talaga noon ng mga mamamayan ng Korea na maging kasing-unlad ng mga mamamayan ng Pilipinas. Marami ang namatay sa gutom. Ang tatay at kuya ko man ay namatay sa gutom. Ang korapsyon sa pamahalaan ay higit pa kaysa sa inyong inakala. Ngunit dahil sa pagkakaisang bumigkis sa aming mga pusong naglalagablab sa pagkamakabaya'y nagawa naming magbago at umunlad.Noong naluklok sa kapangyarihan si Presidente Park, apatnapung taon na ang nakararaan, ginawa niya ang lahat upang mapaunlad ang Korea. Sinubok niyang manghiram ng pondo sa ibang mga bansa ngunit siya'y nabigo dahil sa kahabag-habag na kalagayang pang-ekonomiya ng South Korea. Hindi siya nakahikayat maski ng dayuhang mamumuhunan. May tatlong pabrika lamang noon ang Korea. Kalaunan, ang presidente'y nagpasya na lamang na magpadala ng maraming minero at nars sa Germany upang may magpadala ng pondo at makapagpatayo ng mga pabrika. Katakut-takot ang hirap at dusang pinagdaanan ng mga iyon. Noong 1964, bumisita si Pres. Park sa Germany upang manghiram ng pondo. Daan-daang Koreano sa naturang bansa ang sumalubong sa kanya sa airport. Luhaan, ito ang iisang tanong ng lahat: "Mahal na Pangulo, kailan bubuti ang ating kalagayan?" Nakiluha din sa kanila ang pangulo. Sabi niya, magiging maunlad ang Korea kung ang bawat Koreano ay magpupursige para sa kanyang pag-unlad. Napahanga sa nasaksihan, pinahiram ng presidente ng Germany ang aming bansa.”
Ito ang kahangahangang pagsasalarawan ni Jaeyoun Kim.



Nang dahil dito naitayo ang maraming pabrika. Lalong dumalas ang pagpapaalaala ni Pangulong Park na mahalin ng mga Koreano ang Korea. Maraming Koreanong inhinyero at sayantist sa Estados Unidos ang bumalik upang tumulong na mapaunlad ang Korea. Gayong kakarampot lamang ang sahud, ibinigay nila ang lahat ng kanilang makakaya para sa kanilang bansa. Marubdod ang hangarin nilang manirahan sa masaganang bansa ang kanilang mga anak. Taliwas sa aking hagap isipan, marami sa ating mga kababayan ang nililisan ang Inang Bayan, kabilang na ako roon. Naghangad kasi ako ng masaganang buhay na hindi ko naranasan noong ako ay musmos pa lamang. Naroong kumalam ang aking sikmura sa gutom at magsuot ng may tagpiang salawal at damit na butas butas.



Sa aking paglaki, bitbit ko sa mura kong isipan ang maiahon ang aking pamilya sa kahirapan, ng mga panahong yaon ay kokonti pa ang nagdadahop sa buhay at kabilang na kami doon dahil sa sampong taong pagkawala ng aking ama.

 
Sinabi pa ni Jaeyoun Kim, “palagi akong ipinapasyal ng aking mga magulang sa mga lugar ng maralita at mga may kapansanan. Gusto nilang maunawaan ko ang kanilang buhay upang malaman ko kung paano sila matutulungan. Naglingkod din ako sa Simbahang Katoliko noong ako'y nasa army. Ang pinakamahalagang natutuhan ko mula sa simbahan ay ang pagmamahal sa kapwa. At totoo, mahal ko ang aking kapwa. Iniyakan mo na ba ang Pilipinas? Ako, iniyakan ko na ang aking bansa ng maraming beses. Iniyakan ko na rin ang Pilipinas dahil sa kanyang napakaraming maralitang mamamayan.”



Kuwento pa niya: “Noong ako'y nasa Korea pa, pinangarap kong maging pari. Nang nasa Pilipinas na'y naglaho ang pangarap na iyon. Nalito ako sa napakaraming reyalidad na nasilayan dito. Araw-araw, senaryong nagpapadugo sa puso ko ang nakikitang mga batang kalye sa kahit saan man. Ang Pilipinas ang tanging Katolikong bansa sa Asya, ngunit napakarami ritong nagdarahop. Ang mga tao ay laging nagpupunta sa simbahan tuwing Linggo ngunit wala namang nagbabago. Sinabi ng aking ina (na naglilingkod na sa simbahan simula noong ako'y musmos pa) na kapag pumupunta tayo sa simbahan ngunit hindi tayo nagbabago ay hindi tayo tunay na Katoliko. Ang tunay na pananampalataya ay may kalakip na gawa.”   Ito ang mga katagang kaniyang binitiwan na nakapukaw sa payak kong isipan.



Malaon nang naisulong at nagkaroon na ng katuparan ang minithing kalayaan sa bansa, ngunit ang pagiging malaya ng bawat Pilipino ay inari ng bawat indibidwal sa atin, malaya tayong gawin ang mga bagay bagay na kung ano ang makakasiya at makakalugod sa ating pansariling kapakanan hindi ang kapakanan ng mga nakararaming Pilipino at maging sa bansang Pilipinas.  



Nagkaroon nga ng rebolusyon sa EDSA subalit hindi parin natuto ang karamihan sa atin na ibangong muli ang lugmok na lipunan maging ang ekonomiya ng bansa, naroon pa rin ang mga hayok na politiko na nagnanakaw sa kaban ng bayan na disin sana’y magamit ito sa tama at hindi sa pansariling kapritso lamang. Nawa’y magkaroon ang bansa ng isang pinuno at mga galamay na kagaya nang ginawang  pagsasakripisyo ni Pangulong Park ng Korea.



Sadya, nakapanlulumo at nakakadurog ng puso ang maraming pulubi at batang lansangan, na walang matibay na programa ang mga naka luklok sa pwesto na mabigyang katugunan ang pangit na tanawing ito sa ating mga lansangan at maging  sa mga lugar na talamak ang kahirapn.


Tiyak ako kung ano ang nais iparating ng Koreanong estudyanteng si  Jaeyoun Kim sa ating mga Pilipino. Ang salitang PAGMAMAHAL – pagmamahal ang siyang dapat gawing matibay na pundasyon at maisapuso ng bawat Pilipino. Tunay na pagmamahal na walang hinihiling na kapalit na anuman at kanino man.



Hindi natin mababago ang lisyang kabuuan nang isang iglap lamang. Ang pagbabago ay dapat magsimula sa bawat indibidwal. Ang pagmamahal ay dapat sumibol sa puso ng lahat. Maraming kayang gawin ang pagmamahal.



Alisin natin ang pagkakampi-kampi at sa halip ay pagtuunan ng sama-samang atensyon ang mga tunay nating suliranin sa pamamagitan ng ating bago at busilak na pananaw tungo sa matagumpay na bukas.

 
Magtiwala sa magagawa ng pagmamahal, kaya nitong baguhin ang mundo, ang lahat. Akoy nagsusumamo, mahalin natin ang ating kapwa. Mahalin natin ang ating bansa. 


Mabuti pa ang Koreanong ito, nararamdman ko ang timyas ng kaniyang pagmamahal sa bansang Pilipinas. Ikaw na nag-aangking isang Pilipino, sa puso’t isipan mo ba’y may natitira pang pagmamahal sa Inang Bayan? Kailan natin sisimulan ang pagbabago, ang pagbabago’y hindi sinasambit lamang ng ating dila bagkos ito’y nilalakipan ng marubdob na gawa.



GUMISING KA SAMBAYANANG PILIPIN0!

No comments:

Post a Comment

Post a Comment